Ang Ikaklit sa Aming Hardin–Book Review + GIVEAWAY

ANG IKAKLIT SA AMING HARDIN
Kuwento ni Bernadette Villanueva Neri
Guhit ni CJ de Silva
Salin sa Ingles ni Jennifer del Rosario-Malonzo
Layout ni Jennifer Padilla-Quintos
Inilimbag ng Publikasyong Twamkittens (2012)
Tungkol sa Aklat
Aklat-pambatang tumatalakay sa mga di-kumbensiyunal at di-tradisyunal na pamilya ang Ang Ikaklit sa Aming Hardin (2012). Partikular nitong tinutuunan ang mga hámong hinaharap ng isang batang may dalawang nanay.

 ***
REVIEW
Marami nang nagawang librong pambata sa Pilipinas ngunit bukod-tangi ang Ikaklit sa Aming Hardin sapagka’t tinatalakay nito ang isang bagay na kinukunsiderang “taboo” o bawal ng nakararami, lalo na kung librong pambata ang pinaguusapan: Ang pagkakaroon ng dalawang nanay.

Maganda ang pagkakasulat ng librong ito. Napakatoo dahil ipinakita ang maaaring maranasan ng bata sa ganitong sitwasyon, pero sa kabilang banda ay ipinakita rin na kahit ano pa ang isipin ng iba, normal pa rin ang ganitong sitwasyon. Yan ay dahil ang bawat pamilya, buo man o hindi, may magulang man na magkaiba ang kasarian o wala, ay may kanya-kanyang pinagdadaanan, kaya’t hindi nararapat na husgahan ang isang tao base sa kung ano ang tingin ng nakararami na tama, ngunit sa kung anong klaseng tao sya.

Ipinapakita rin ng librong ito na maaaring mabuhay ng normal ang isang bata na lumaki sa isang di-kumbensyunal na pamilya. Kung puno ng pagmamahal ang isang tahanan ay siguradong lalaki ng masaya at lalaki ng tama ang isang bata. Kailangan lamang ipaliwanang ng mga magulang ang kanilang sitwasyon at kailangan palakihin ang bata na puno ng pagmamahal at pang-unawa.

Nakatulong rin ng malaki ang mga larawan sa librong ito upang gawing mas makabuluhan at mas nakakaenganyong basahin ito. Ang paglalarawan sa mga magulang ni Ikaklit ay tamang tama upang ipakita na ang iniisip mong imahe ng isang “tomboy” ay mali, at maaari pa ring ipakita ng isang tao ang kanyang pagiging katangi-tanging indibidwal, ano pa man ang kasarian o sekswalidad niya. Napakamakulay at napakaganda ng mga larawan dito kung kaya’t siguradong matutuwa ang mga mababasa, at mabubuksan ang kanilang puso sa mga ganitong usapin.

 Ma-eenganyo rin ang mambabasa na magpunta sa Baguio dahil sa paglalarawan sa nasabing lugar sa librong ito. Mula sa pagkain at iba’t ibang tanawin, at sa mga napakagandang bulaklak, talagang maeenganyo ang mambabasa.

Karapat-dapat bang ipabasa ito sa mga bata? Oo, dahil habang maaga ay kailangan nilang matutunan na nararapat na irespeto ang iba’t ibang klase ng tao, at iba’t ibang klase ng pamilya. Habang maaga ay dapat mamulat ang mga kabataan sa mga ganitong isyu, at kung paano ito dapat kaharapin. Dahil tayo ay nabubuhay na sa makabagong mundo kung kaya’t nararapat rin na mas maging bukas ang ating isipan sa mga ganitong bagay.

Ang Ikaklit sa Aming Hardin ay maituturing na isang magandang ebolusyon sa larangan ng literatura. Ipinapamalas nito na may mga Pilipinong handang tumanggap sa katotohanan na di lahat ng pamilya ay pare-pareho, at ninanais nito na mabuksan pa ang isipan ng mas maraming Pilipino sa mga ganitong usapin. Upang maging malaya ang isang bansa at ang mga tao nito, nararapat lang na maging bukas ang ating isipan, at matuto tayong tanggapin ang isa’t isa sa kung ano at sino pa man tayo.

***

a Rafflecopter giveaway//d12vno17mo87cx.cloudfront.net/embed/rafl/cptr.js

***
Tungkol sa mga Manlilikha
NAGSULAT

Nagtapos ng MA Filipino: Malikhaing Pagsulat si Bernadette Villanueva Neri sa UP Diliman at BA Mass Communication major in Journalism sa UP Baguio. Kumakatha siya ng mga kuwentong pambata, sanaysay, dula, at maikling kuwentong lesbiyana (na binansagan niyang “naratibô” o naratibo ng mga tibô). Kasalukuyan siyang nagtuturo sa UP Diliman, kasabay ng pagkuha ng duktorado sa Malikhaing Pagsulat sa parehong paaralan. Kasama niya ngayon sa bahay ang limang muning na tulad niya’y mahilig din sa ikaklit at iba pang mga halaman.

 Si CJ de Silva ay nakilala bilang Promil Kid sa mga commercial nito noong 90s. Ngayon, si CJ naman ang gumagawa ng mga patalastas bilang Art Director sa isang advertising agency. Hilig pa rin niya ang magpinta at gumuhit.








Nanay ng dalawang munting binibi si Jennifer del Rosario-Malonzo. Siya ay isang manunulat, editor, mananaliksik, at aktibista. Nag-aral siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang internasyunal na organisasyon. Mahilig siya sa tula at potograpiya, at nait matutong maggitara.



Si Jennifer T. Padilla-Quintos ay nanay ng dalawang masayahing batang sina Gaby at Joaquin. Isa siyang graphic artist, art teacher at manggagawang pangkultura. Nagtapos siya ng Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.




IKAKLIT LINKS
Panayam sa mga manlilikha
Nagsalin sa Ingles (Ate Jeni). http://www.youtube.com/watch?v=nxKiDUJTxSk
Mga Video Blurb
Vlad Gonzales (Guro, Kritiko, Manunulat). http://www.youtube.com/watch?v=NdKF9QrQj74
Rose Torres-Yu (Guro, Kritiko, Manunulat). http://www.youtube.com/watch?v=aU9VZjx-zDU
Poti Padilla-Quintos (Nanay). http://www.youtube.com/watch?v=_mGn5kV_5Nc
Ging, Rose & Roni (Rainbow Family). http://www.youtube.com/watch?v=PJSLAweBEbc
Roni (Batang may dalawang nanay). http://www.youtube.com/watch?v=Net09DFwbXs
Teaser

Advertisements